Cherreads

Chapter 3 - Chapter 1

May kakaibang pakiramdam tuwing unang araw ng pasukan.

'Yung halo-halong amoy ng bagong notebooks, polish ng sahig, at pawis ng estudyanteng takot malate. Maingay pero awkward. Masaya pero may halong kaba.

Nakatayo si Nathalie sa harap ng Grade 10 classroom, hawak ang class record, habang pinipilit ngumiti kahit medyo nanginginig ang tuhod niya.

Ilang ulit na niyang inensayo 'to sa harap ng salamin, kung paano siya magpapakilala, kung anong tono ng boses, kung paano isusulat ang pangalan sa whiteboard.

Pero ngayon, parang nawala lahat ng rehearsal niya.

"Good morning," bungad niya, medyo mahina pa.

Walang sumagot. Lahat busy sa kanya-kanyang mundo. May nag-aayos ng ID, may nagpapalitan ng stickers sa notebook, at syempre, may mga naupo na agad sa likod, parang ayaw mapansin.

Nath cleared her throat, this time mas buo ang boses. "Good morning, class."

"Good morning po, Ma'am," sabay-sabay pero hindi sabay-sabay na tugon.

Ngumiti siya, kahit feeling niya parang nanlamig 'yung palad niya.

First day feels, 'ika nga.

"By the way, I'm Miss Nathalie Santiago. But you can call me Ma'am Nath. Teacher po ako from the College of Education, and I'll be with you for the whole semester."

Isinulat niya ang pangalan niya sa whiteboard habang pinapakalma ang sarili. Bago pa man siya muling humarap sa klase, may narinig siyang mahina pero klaro.

"Uy, crush ko na si Ma'am."

May tumawa. May umubo nang malakas para kunwaring hindi narinig. Siya? Umiling na lang, pero napangiti rin.

High school kids talaga.

"Okay, sige. Icebreaker muna tayo. Alam kong halos lahat sa inyo, first time pa lang magkikita. So let's try something light, short intro lang, name and one thing you like."

Nag-umpisa na silang magpakilala. May nahihiyang halos hindi marinig. May confident na parang sanay mag-audition. Isa sa mga babae sa harap, mahinhin pero matapang magsalita. Isang lalaki sa likod, nagpakilala habang kumakain ng mentos.

Nath's gaze drifted to the back of the room, doon sa sulok na 'yon. Doon madalas umupo ang mga "wala lang," 'yung parang di interesado pero laging nandoon. Tahimik. Tawa lang ng tawa pag may asaran. At dun, bigla siyang nakaramdam ng kurot.

Diyan siya dati nakaupo.

Bigla siyang natulala. Parang ang ingay ng paligid pero sa loob niya, nanahimik ang lahat. Kasi ang naaalala niya, hindi mga pangalan ng students ngayon. Kundi isang pamilyar na boses noon. Isang mapanukso pero pamilyar na tawa.

Jacob.

'Yung dating classmate niya na laging sa likod umuupo. Tahimik. Tila walang pake. Pero sa likod ng mga walang kwentang hirit, siya pala 'yung pinaka-maalaga.

Siya 'yung nagbibigay ng paboritong cheese tuwing TLE project. Siya 'yung nagbibigay ng lollipop pag stressed siya. Siya 'yung hindi niya naging... pero muntik na.

"Ma'am?" tawag ng isang estudyante, sabay abot ng index card.

"Ah—yes. Thank you."

Bumalik siya sa kasalukuyan. Tinanggap ang papel, pero parang ang bigat ng hangin. Tinignan niya 'yung pangalan sa card, Angelo. Pero sa isip niya, iba ang pangalan na nababasa niya.

Jacob.

---

Pagkatapos ng pagpapakilala ng bawat isa, medyo lumuwag na ang pakiramdam sa classroom. Mas marami nang ngiti. May ilan nang nagkukuwentuhan kahit hindi pa ganon kakilala ang isa't isa.

At gaya ng inaasahan, nagsimula na rin ang mga "barkadahang instant."

May tatlong girls na agad-agad nag-group hug dahil pareho silang mahilig sa K-pop. May dalawang lalaki na pareho ng drawing sa ID holder nila, sabay sigaw ng, "Uy, same tayo!"

At syempre, may isang corner ng room na masyadong tahimik, kung saan naupo ang mga tipikal na mahiyain, o yung mga 'di pa sure kung saan sila belong.

Nath took a deep breath and smiled. High school life, huh? Wala talagang kupas.

"Okay," aniya, tinapik ang whiteboard marker sa desk para kunwaring serious na ulit.

"Since tapos na tayong magpakilala, usapan naman tayo ng class expectations. Alam ko hindi niyo gusto 'tong part na 'to, pero kailangan natin."

May umarteng natutulog. May nagkunwaring umiiyak. Pero hindi galit si Nath, sanay na siya sa ganyang arte, kasi dati, ganon din siya.

"Simple lang 'to," tuloy niya.

"Number one, respect. Hindi lang sa teacher, kundi sa classmates ninyo. Number two, honesty — lalo na sa quizzes and projects. And number three…"

Tumigil siya saglit. Napatingin sa may bandang likod.

"…have fun. Hindi 'to madali, pero hindi rin natin kailangang gawing miserable 'yung school year."

May pumalakpak ng mahina. May sumipol. May nagsabi ng "Yehey!" na halatang sarcastic.

Bago pa sila magkagulo ulit, tinuro ni Nath ang upuan sa likod na sobrang kalat. "Sino dito ang mahilig magkalat? May candy wrappers pa sa ilalim ng armchair, oh."

Nagkatinginan ang mga nasa likod. "Hindi po amin 'yan, Ma'am. Iniwan na po 'yan ng last section!"

"Classic excuse," sabay tawa niya.

"O siya, let's clean up a bit before we continue. Five-minute clean-up time."

Nag-umpisa na ang siksikan. Yung iba, biglang naging hyper na parang paligsahan ang paglilinis. Yung iba, sinadyang hindi gumalaw, tipong "tagabigay lang ng basahan, Ma'am."

Nath watched them from her desk, chin on her hand. May soft na tugtog sa hallway, at habang nakatingin siya sa mga estudyanteng nagkukulitan, may bigla siyang naalala.

Noong siya naman ang estudyante, ang hyper niyang sarili na lagi sa harap, takot mapagalitan, pero ang lakas mang-asar. At sa bawat kalat na ginagawa niya, may isang taong laging tahimik lang na naglilinis sa tabi niya. Hindi kasi siya pinapagalitan neto. Hindi rin siya pinagsasabihan. Pero laging nandiyan, parang laging may backup.

'Yung mga simpleng bagay lang noon. Pero ngayon, parang ang bigat na.

At sa gitna ng magulong silid-aralan, naramdaman niyang parang siya lang 'yung tahimik.

---

More Chapters